Pinanindigan ni dating Rehabilitation Czar Ping Lacson, ang kanyang pahayag hinggil sa rehabilitasyon sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda.
Iginiit ni Lacson na wala siyang ibang mapagkukunan ng numero na kanyang sinasabi, kundi sa mismong mga ahensya na namumuno sa iba’t ibang rehabilitation cluster.
“Nag-usap usap kami kanya-kanyang clusters at kaharap ‘yung mga stakeholders, kami ang sama-samang nagbalangkas niyan, saan kami kukuha ng figures kung hindi galing sa mga ahensya, sila ang nag-submit sa amin ng mga numero.” Ani Lacson.
Binigyang diin din ni Lacson na bagamat mayroon nang inilabas na pondo ang Department of Budget ngayong taon, hindi naman ito limitado lamang sa rehabilitasyon sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda.
“Kung ang nare-release pa lang ang total ay 84 billion, ang ay naka-programa ay 50 billion on 2014 at 80 billion on 2015, eh talagang malaki ang kakulangan, hindi natin mae-expect na mayroong nangyayaring implementasyon na naaayon sa ating schedule.” Paliwanag ni Lacson.
Pagtakbong Presidente
Samantala, nananatiling bukas si dating Senator Ping Lacson, sa posibilidad na tumakbo sa pagka pangulo sa 2016 elections.
Ayon kay lacson, buhay pa ang kanyang adhikain, subalit hirap pa siyang makapag pasya hinggil dito.
“Buhay na buhay pa ang aming efforts kaya lang aaminin ko napakahirap, kasi kapag hindi ka napapag-usapan talagang etsapuwera ka, eh ang nangyayari ngayon eh iilang pangalan lang ang lumilitaw, ako naman tanggap ko ‘yan, ‘yan ang reality sa politics, dapat maintindihan ko na may limitasyon lahat, anuman ang aspirations mo.” Dagdag ni Lacson.
By Katrina Valle | Karambola