Kung dati’y kilala ang San Jose del Monte, Bulacan bilang Pink City dahil sa kulay ng uniporme ng mga government employee sa lokal na pamahalaan, mistulang nabalewala ito dahil sa ipinakitang suporta ng mga residente nang dumugin ang ‘Bulacan Tour’ ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
“Wala iyan sa suot naming damit. Nasa puso at isip namin na ang iboboto namin ay si Bongbong Marcos. Pula kami sa isip, salita at gawa,” sigaw ng isang city hall employee na kasama sa libo-libong nagpakita ng suporta sa UniTeam.
“Sa lahat ng mga kandidatong dumalaw sa amin dito, ngayon lang ganito ang mga tao. Mga kandidato sa iba-ibang posisyon pero hindi sa president kasi si BBM lang ang pinapasok dito na presidentiable,” sabi ng isa pang empleyado.
Habang sakay ng isang pick-up truck, dinig na dinig ang hiyawan at sigawan ng mga tao.
May isang lola naman ang naglabas ng placard na ang nakalagay ay: “Kahit isa lang ang mata ko, gusto ko pa ring makita si BBM.”
Nang mapansin siya ni Marcos ay lumapit ito sa matandang babae at doon niya nalaman na totoong bulag ang kanang mata nito dahil sa glaucoma.
Nagmistulang artista si BBM na bukod sa kagustuhang maka-selfie ng mga tao, karamihan sa kanila ay gusto ring magpa-autograph.
Ang tili, hiyawan at sigawan ay bigla namang nanahimik nang mag-umpisa nang magtalumpati si Marcos lalo nang banggitin niya na pambansang pagkakaisa ang magiging susi upang makabangon ang bansa mula sa pagkakadapa dahil sa pandemya.
“Ang pagkakaisa ng ating bansa ang kailangan para maitawid natin sa pandemya ang ating bayan at maibangong muli. Kaya magandang simbolo para sa ating bansa ang pagsanib pwersa namin ni Sara,” ani Marcos.
“Ipagkaisa muna natin ang sambayanan. Kapag nagawa natin ‘yun, maraming magagandang pagkakataon ang magbubukas para sa Pilipinas. Kasama kami ni Sara sa pagpapaganda at pagpapaunlad ng Pilipinas. Hindi lang tayo babangon sa pagkalugmok ngayon, tayo ay sisikat pa sa buong mundo. Lahat tayo ay magiting na isisigaw, ‘Ako ay Pilipino,’” dagdag pa nito.
“Marcos, Marcos kami!’ paulit-ulit na sigaw ng mga Bulakenyo.
Matapos magsalita, hindi na rin nakabalik sa kanyang upuan si Marcos dahil pinaunlakan nito ang mga tagasuportang nais siyang kamayan at pagbigyan sa hiling na mga autograph.
Nagulat naman ang ilang tao sa stage nang isang dalaga ang naghubad ng damit para ito papirmahan kay Marcos. “Mabuti may isa pang damit na nakasuot sa kanya,” sabi ng isang local politician.
Mula San Jose Del Monte City, ikinasa muli ang motorcade patungong Baliuag, Bulacan kung saan ay muli itong pinagkaguluhan ng libo-libong supporters.
Nakipagkita si Marcos sa mga opisyales at miyembro ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry at napag-usapan doon ang mga problemang dapat ayusin sa probinsiya patungkol sa hanay ng agrikultura, imprastraktura, usaping pang-industriya at maraming iba pa.