Itinanggi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na kanyang ibinalik bilang National Food Authority (NFA) Administrator si Jason Aquino.
Kasunod ito ng pahayag ni Senador Risa Hontiveros sa kanyang privilege speech na bumalik sa NFA si Aquino kahit pa sinibak na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Paglilinaw ni Piñol, nanatili pa ring administrator ng NFA si Aquino kahit pa inanunsyo ni Pangulong Duterte na naghahanap na siya ng kapalit nito.
Ito, aniya ay dahil sa Oktubre pa uupo si General Rolly Bautista na tinukoy ni Pangulong Duterte bilang kapalit ni Aquino.
Dagdag pa ni Piñol, wala siyang kapangyarihan para magpasiya sa kapalaran ni Aquino gayundin ang pabalikin ito sa puwesto.
Kaugnay nito, tiniyak mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Senador Cynthia Villar na hindi na babalik sa puwesto ang naka-leave na si dating NFA Administrator Jason Aquino.
Ito ang naging manifestation ni Villar sa privilege speech ni Senador Risa Hontiveros na kumukuwestiyon sa napapabalitang pinagrereport pa rin sa trabaho si Aquino kahit pa inanunsyo na ni Pangulong Duterte ang pagbibitiw nito.
Ayon kay Villar, sa gitna ng diskusyon ng mga senador sa naging privilege speech ni hontiVeros kanyang tinawagan si Special Assistant to the President Bong Go para linawin ang isyu.
Kaniya aniyang direktang naka-usap si Pangulong Duterte matapos iabot ni Go ang telepono at dito tiniyak ng Punong Ehekutibo na walang katotohan ang mga balita at hindi na siya papayag pang bumalik si Aquino sa NFA.
Samantala, inihayag ni Hontiveros sa kanyang privilege speech na hindi pa lusot si Aquino sa umano’y katiwalian sa NFA kung saan sinasabing ilang mga tiwali ang kumikita ng 2 bilyong piso kada taon kaugnay ng importasyon ng bigas sa bansa.
—-