Umaasa pa rin si dating North Cotabato Governor Manny Piñol na hindi pa pinal ang ginawang pag-atras ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa 2016 Presidential election.
Sa panayam ng Ratsada sinabi ni Piñol na mismong siya ay nasorpresa sa naging pahayag ni Duterte bagamat simula pa noong una ay sinasabi na nito na hindi siya interesadong tumakbo bilang Pangulo ng bansa.
Ayon kay Piñol, mayroon pang humigit sa 30 araw bago ang filing ng certificate of candidacy at marami pa ang puwedeng mangyari.
“Para sa akin meron pa namang 30 plus days para mag-file ng certificate of candidacy, I’m still hoping na magbabago ang kanyang desisyon.” Ani Piñol.
Naniniwala din ang dating gobernador na gagawa ng paraan ang taumbayan kung talagang totoo na gusto nilang tumakbo bilang Pangulo ng bansa si Duterte.
“If we did a people power to oust an unwanted President, we could also do a people power to install a wanted President, ako’y naniniwala na kung totoo talaga ang panawagan ng taong bayan na patakbuhin siya ay talagang people will find a way to do that.” Pahayag ni Piñol.
Not running
Una rito, nagsalita na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte hinggil sa kaniyang posibleng kandidatura umano sa susunod na taon.
Sa kaniyang ipinatawag na pulong balitaan kahapon, tinuldukan na ni Duterte ang pangarap ng kaniyang mga tagasuporta.
Ito aniya ang naging pasya ng kaniyang pamilya kaya’t ito ang kaniyang susundin.
Ngunit tiniyak ni Duterte na kaniya pa ring isusulong ang federalismo at tutulong sa pangangampaniya ng kaniyang susuportahang kandidato sa pagka-Pangulo.
Humingi naman ng paumanhin ang alkalde sa lahat ng mga nagbuhos ng panahon upang siya’y suportahan.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita | Jaymark Dagala | Jelbert Perdez