Inalmahan ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang pahayag ni National Economic Development Authority o NEDA Secretary Ernesto Pernia na isa sa mga dahilan sa pagbagal ng ekonomiya ng bansa ang mahinang produksyon sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Piñol, pag-upo pa lamang niya noong 2016 nagpresenta na siya ng isang rice road map kay Pangulong Rodrigo Duterte na tutugon sa hiling ng mga magsasaka para sa masaganang produksyon ng bigas.
Gayunman, sinabi ni Piñol hindi nabigyan ng sapat na pondo ang nasabing programa.
Sa kabila nito, iginiit ng kalihim na umaangat ang industriya ng bigas sa bansa.
Hinaing pa ni Piñol, kung alam na ng mga economic managers ng pamahalaan na magkakaroon ng epekto sa inflation at ekonomiya ng bansa ang presyo ng bigas, bakit hindi ito binigyan ng sapat na pondo.
Binigyan diin pa ni Piñol, ang pagtaas ng presyo ng bigas ay resulta at hindi dahilan ng inflation.
Rice supply
Kasabay nito, hindi rin naiwasan ni Piñol ang magpahayag ng sama ng loob kay NEDA Secretary Ernesto Pernia.
Ito ay matapos na sabihin ni Pernia na ang mabagal na produksyon ng sektor ng agrikultura ang isa sa mga dahilan sa pagbagal ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Piñol, hindi maganda ang tila pag-sisisihan nilang mga miyembro ng gabinete sa harap ng publiko.
Iginiit ni Piñol, mas mainam kung kanilang mapag-usapan ang pagkakaiba at di pagkaka-unawaan sa cabinet meeting.
“I don’t think it’s proper for us to blame each other in public, kung merong diperensya pag-usapan, hindi magandang tingnan na tayo-tayo mismo ay nagsisisihan, kung may problema tingnan natin.” Pahayag ni Piñol
(Ratsada Balita Interview)