Posibleng gawaran ng Bagong Bayani Awards ang mga Pilipinong crew ng MV Diamond Princess cruise ship na na-quarantine sa Japan dahil sa 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Labor secretary Silvestre Bello III, kinikilala ng kagawaran ang dedikasyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagpatuloy sa pagsisilbi sa mga pasahero kahit pa naka-quarantine.
Ang Bagong Bayani Awards ay ibinibigay sa mga OFWs na nagpapakita ng katangi-tanging kahusayan sa trabaho.
Samantala, ang lahat ng Filipino crew ng Diamond Princess na aktibong miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay tatanggap ng tig-P10,000 financial assistance.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang OWWA sa Magsaysay Maritime Corporation –ang manning agency ng OFWs para pag-usapan ang trabaho ng mga OFWs.
Mahigit 400 crew ng Diamond Princess ang kasalukuang naka-quarantine na ngayon sa New Clark City.