Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katoliko na dumalo sa Physical Sunday Mass sa mga simbahan matapos ang mahigit dalawang taong pagsasagawa nito Online.
Inihayag ni CBCP president at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na makakabalik na sa normal na pamumuhay ang publiko dahil humina na ang pandemya at lumuwag na ang mga health protocol na ipinatutupad sa bansa.
Dahil dito, hinihimok ni David na bumalik na rin sa normal na pamumuhay bilang kristiyano at dumalo sa mga pisikal na misa tuwing linggo.
Tiniyak naman ni David na ipatutupad pa rin ang mga health protocol sa Simbahan upang masigurong ligtas ang mga parokyano laban sa nakahahawang sakit.
Mababatid na simula March 2020, nagsimulang gumamit ng mga livestreaming platform ang mga Simbahan upang magsagawa ng misa, alinsunod sa mga protocol na ipinatupad kontra COVID-19. —sa panulat ni Hannah Oledan