Makakakuha ng mahigit 100 Hong Kong dollars na umento sa sahod ang mga Filipino household workers sa Hong Kong.
Ayon kay Labor Attaché Antonio Villafuerte, alinsunod sa bagong Minimum Allowance Wage (MAW), tataas sa 4,630 Hong Kong dollars ang sahod kada buwan ng mga Filipino domestic helpers.
Maliban pa ito sa kanilang monthly food allowance na tumaas naman sa 1,121 Hong Kong dollars.
Sinabi ni Villafuerte, epektibo ang bagong MAW at food allowance sa lahat ng mga Pinoy household workers na lumagda sa kontrata simula Setyembre 28.
Samantala, patuloy pang pinoproseso ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang pagsasaayos naman sa mga nauna nang lumagda sa kontrata na may sahod na 4,520 Hong Kong dollars at food allowance na 1,075 Hong Kong dollars kada buwan.
Batay sa talaan ng DOLE, humigit kumulang 200,000 mga Pilipino ang nagtatrabaho bilang household workers sa Hong Kong.