Nag-uwian na umano sa Mindanao ang mga Filipino-ISIS fighters mula Syria at Iraq batay sa report ng Washington-based Center for Strategic and International Studies (CSIS).
Ito, ayon sa CSIS, ay bunsod ng unti-unting pag-atras at pagkatalo ng Islamic State sa Iraq at Syria bunsod ng walang humpay na pag-atake ng mga US coalition forces, Syrian at Russian forces.
Mas marami anilang mga kapanalig ang ISIS sa Southeast Asia lalo mula sa mga armadong grupo sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kumpara sa mga nakasagupa ng US forces sa Afghanistan at Iraq.
Sa nakalap namang impormasyon ng US state at defense departments, planong magtatag ng sariling caliphate sa kani-kanilang bansa ang mga foreign ISIS fighter.
Samantala, pasok din ang Pilipinas sa listahan ng US State Department ng mga bansang may mataas na terorrist activity noong isang taon na kinabibilangan din ng Afghanistan, India, Iraq at Pakistan.
Pamahalaan handang sugpuin ang ISIS
Handa ang gobyerno na sugpuin ang banta ng Islamic State sa gitna ng ulat na may ilang Filipinong miyembro ng ISIS ang nag-uwian na mula sa Middle East.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, makatitiyak ang publiko na ligtas sila sa banta ng teroristang grupo.
Nagkaroon na aniya ang Pilipinas ng improvement sa counter-terrorism capabilities matapos ang digmaan sa Marawi City, Lanao Del Sur.
Sa nasabing ulat, pasok din ang Pilipinas sa limang bansang may mataas na terorrist activity noong isang taon.