Isang Pinoy ang sentro ngayon sa mahigit 2-billion dollar na iskandalo sa German firm na Wirecard.
Nawawalan umano ng mahigit sa 2-bilyong dolyar o halos ika apat na bahagi ng ng assets ng kumpanya ang Wirecard AG.
Ito’y matapos na ipagkatiwala di umano ng Wirecard kay Atty. Mark Tolentino ang pagbubukas ng anim na bank accounts para sa Wirecard sa Bank of Philippine Islands (BPI) at BDO Unibank para sa kanilang Asian operations.
Gayunman, natuklasan ng mga auditors ng Wirecard na walang nabuksang account o anumang transaksyon ang BPI at BDO sa German company, batay sa kanilang pakikipag usap sa mga opisyal ng bangko.
Batay rin sa pahayag ng BPI at BDO, walang pumapasok na mahigit 2-bilyong dolyar sa financial system ng Pilipinas.
Hindi umano ito mahirap makita dahil ang mahigit sa 2-bilyong dolyar ay katumbas ng 5% ng kabuuang foreign currency deposits ng Pilipinas.
Napag alaman na si Tolentino ay itinalagang trustee ng Wirecard nuon lamang huling bahagi ng 2019.
Itinanggi ni Atty. Mark Tolentino na trustee siya ng German company na Wirecard AG.
Tinawag na fake news ni Tolentino ang ulat na nawawala ang mahigit sa 2-bilyong dolyar na di umano’y ipinagkatiwala sa kanya ng Wirecard para pamahalaan at ipasok sa Bank of Philippine Islands (BPI) at BDO Unibank para sa Asian operations ng kumpanya.
Wala rin anyang maipapakitang pruweba ang Wirecard na naging trustee sya ng kumpanya.
Samantala, ayon sa isang insider ng Wirecard, posibleng biktima ng frame up si Tolentino.
Unang-una, hindi umano kapani-paniwala na ipagkakatiwala ang mahigit sa 2-bilyong dolyar para pamahalaan ng isang katulad ni Tolentino na isang abogado at walang kahit anong karanasan sa financial management.
Ayon sa Wirecard insider, malinaw na naghahanap ng wala ang Wirecard dahil mismong ang BPI at BDO na ang nagsabi na walang pumasok na mahigit dalawang bilyong dolyar sa financial system ng Pilipinas.
Wala rin umanong kumpanya na nasa matinong pag iisip ang ipagkakatiwala ang ganuong kalaking halaga sa isang tao na hindi naman nila kakilala.