Dumagit ng tatlong gold, isang silver at dalawang bronze medals ang Philippine Muay team sa katatapos na 2021 International Federation of Muay Thai Associations World Championship (IFMA) sa Bangkok, Thailand.
Namayagpag si Phillip Delarmino sa men’s 57 kilogram elite combat competition habang dinominahan ni islay bomogao ang Waikru Competition Senior Female category.
Ang tagumpay ilonggong si Delarmino ang nagbigay-daan upang makakuha siya ng tiket sa 2022 world games sa July 7 hanggang 17 sa Birmingham, Alabama, USA.
Katuwang naman ni Delarmino si Bomogao upang kubrahin ang gintong medalya sa Mai Muaythai category para sa team Philippines na nagtapos sa 18th spot sa tournament rankings sa kanilang 8 points.
Magugunitang si Bomogao ang sumipa ng pilak na medalya noong 2019 Southeast Asian games.
Samantala, si Aldrich Toralba naman ang nagdagdag ng nag-iisang silver matapos pumangalawa sa waikru senior male category habang hinugot nina Bomogao at Rudzma Abubakar ang dalawang bronze sa women’s 45 kilogram at men’s 48 kilogram divisions.