Patuloy na pinaghahanap ng Department of Foreign Affairs ang batang Pilipino na nawala matapos ang terror attack sa Barcelona, Spain.
Inatasan na ang mga opisyal ng DFA malapit sa Barcelona na gawin ang lahat ng paraan upang matunton si Julian Cadman, pitong taong gulang na nahiwalay sa nanay nitong si Jumarie o Jom nang araruhin ng isang van ang mga tao sa Las Ramblas, kamakailan.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, kasalukuyang nasa intensive care unit ng Hospital De Vall D’hebron si Jom matapos magtamo ng mga sugat dahil sa insidente na ikinasawi ng labing-apat katao at ikinasugat ng mahigit isandaang iba pa kabilang ang anim na Pinoy.
Ang kwarenta’y tres anyos na Pinay ay asawa ng isang briton na naninirahan sa Australia at bumisita lamang sa Barcelona upang dumalo sa kasal ng pinsan mula Pilipinas.