Nasa kustodiya na ng pulisya ang casino operator na si Hector Aldwin Pantollana, na sinasabing sangkot sa isang multibillion-peso investment scam, sa tila isang prisoner swap o palit-ulo sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group Director Brigadier General Nicolas Torre III, nasa kustodiya na ng CIDG agents si Pantollana, bagama’t wala pang balita kung kailan maibabalik sa bansa ang puganteng Pinoy.
Hindi pa malinaw kung paano nahuli ng indonesian authorities si Pantollana, na sinasabing nang-scam ng halos P4-B halaga ng investment sa libu-libong investor sa Cordillera at iba pang rehiyon sa bansa.
Bilang kapalit sa kustodiya ni Pantollana, itinurn-over naman ng CIDG sa Indonesian authorities si Handoyo Salman, isang Indonesian national na umano’y nakakuha rin ng 900 billion rupees o humigit-kumulang P3.3-B sa online scamming sa Indonesia.
Isa si Salman sa mahigit apatnapung dayuhan na nahuli sa Central One Bataan PH Incoporated, isang business process outsourcing firm na sinalakay ng mga otoridad matapos mapaulat na pinapatakbo ito bilang illegal POGO hub. - sa panulat ni Laica Cuevas