Inaasahang makalalabas na ng ospital ang nag-iisang Pilipino domestic worker sa Hong Kong na kumpirmadong nahawaan ng coronavirus disease (COVID-19), anumang araw ngayong linggo.
Ito ang inanunsyo ng Philippine Consulate sa Hong Kong matapos na magnegatibo na ang nabanggit na Pilipino sa virus batay na rin sa resulta ng pinakahuling pagsusuri na isinagawa dito.
Ayon kay Consul General Raly Tejada, maliban sa nabanggit na OFW, posibleng makalabas na rin ang tatlong nalalabi pang Pilipino domestic worker sa Hong Kong na isinailalim naman quarantine dahil sa posibilidad ng COVID-19 infection.
Sinabi ni Tejada, malusog at nananatiling asymptomatic o hindi nakikitaan ng sintomas ng COVID-19 ang nabanggit na tatlong Pinay.
Una na rin aniyang nakalabas ng quarantine ang tatlo pang Pilipino workers sa Hong Kong simula Pebrero 15 matapos na makumpleto ng mga ito ang kanilang 14 day mandatory quarantine.