Muling ipinanawagan ng grupong Filipino Nurses United (FNU) sa gobyerno na isaayos ang kondisyon ng mga Nurse sa bansa, kabilang ang pagbibigay ng 50,000 peso basic salary kada buwan.
Ito’y upang mahikayat ang kanilang mga kasamahan na manatili sa Pilipinas, sa halip na mangibang-bansa.
Ayon kay (FNU) Vice President Eleanor Nolasco, ang hinihinging ‘entry salary’ na 50,000 sa pampubliko at pribadong nurses ay makatutulong na mamuhay sila ng disente, lalo’t mahalaga ang kanilang papel sa promosyon at proteksyon ng kalusugan ng mga Pinoy.
Sa ngayon ay mahigit 100K nurses sa private sector ang sumasahod lamang umano ng P537 kada araw sa Metro Manila habang mas mababa pa sa labas ng National Capital Region o kumpara sa minimum wage na P570 sa NCR.
Bagaman P35,000 ang minimum salary sa public hospitals, matindi naman anya ang sakripisyo ng mga nurse dahil sa dami ng trabaho at pasyente.
Inihayag din ni Nolasco na may pondo naman para sa salary hike at pagkuha ng dagdag 42,000 Nurses ang pamahalaan na maaaring hugutin sa ‘unprogrammed funds’.
Samantala, suportado naman ni DOH Officer-In-Charge, Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang panawagan ng FNU at iginiit sa Department of Budget and Management at mga mambabatas na gumawa na ng hakbang para maisabatas ito.