Inamin ng kampo ng Filipino Olympic Pole Vaulter na si EJ Obiena na nakatanggap na ito ng kaliwa’t kanang offer na maglaro para sa ibang bansa.
Sa gitna ito ng kinakaharap na gusot sa pagitan ng 2019 Sea Games Gold Medalist at kanyang kinabibilangang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Ayon kay Jim Lafferty, mentor ni Obiena, bago pa lumutang ang mga alegasyon na pineke ng atleta ang kanyang liquidation documents at kabiguan umanong pa-swelduhin ang kanyang coach, mayroon ng mga nag-aalok.
Isa anya sa mga pinaka-sinusubaybayan sa larangan ng Track and Field si Obiena dahil mula sa World Ranking na number 30 ay lumundag ito sa 5th Place kaya’t marami ang natatakot sa kanya.
Naniniwala si Lafferty na hindi imposibleng sumungkit ng gintong medalya sa malalaking kompetisyon ang Pinoy Pole Vaulter kaya’t pursigido ang ibang bansa na makuha ito. —sa panulat ni Drew Nacino