Hindi kinagat ng mga skilled worker na Pinoy sa Kuwait ang pagpapauwi sa kanila ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Chie Umandap, Chairperson ng Ako OFW, maaaring tumugon sa panawagan ng Pangulo ang mga household helpers dahil halos wala silang ginastos sa pagtungo sa Kuwait.
Gayunman, malabo aniya itong mangyari sa mahigit pitumpu’t limang libong (75,000) skilled workers dahil hindi naman nila kikitain sa Pilipinas ang kinikita nila sa Kuwait.
“Kung tatanungin mo ang mga skilled workers hindi talaga, walang makakapantay kasi sa aming paghahanap-buhay dito, kapag sinabi mong uwi na dahil may Build Build Build dito, malakas na ang ekonomiya, eh parang hindi ‘yun attractive para sa aming mga OFW na andito sa Kuwait.” Ani Umandap
Iminungkahi ni Umandap na kumuha ang Pilipinas at ang Kuwait ng third party negotiator sa binubuong memorandum of agreement para sa mga Overseas Filipino Workers o OFWs.
Sinabi ni Umandap na mahalaga pa ring magkaroon ng MOU ang Pilipinas at Kuwait dahil napakarami pa nilang mga OFW ang natira sa Kuwait.
“Parang nawala ang pagtitiwala ng gobyerno ng Kuwait sa atin na bakit natin ito ginawa, so ngayon kinakailangan na mapalakas natin muna ‘yung relationship natin sa kanila, sa tingin namin para makamit ito ay kailangan ng 3rd party mediator, noong panahon na nagkaroon ng problema ang Qatar at Saudi Arabia, ang 3rd country na nag-mediate doon ay Kuwait, siguro naman kung halimbawa naman ngayon na nagkaroon ng problema ang Kuwait at Pilipinas, ang Saudi Arabia naman ay kaibigan ng Pilipinas.” Pahayag ni Umandap
Rescue ops
Lalong nalagay sa alanganin ang mga OFW na inaabuso ng kanilang amo sa Kuwait.
Pansamantalang itinigil ng grupong Ako OFW ang pagtanggap ng mga sumbong mula sa mga inaabusong OFW makaraang ikagalit ng pamahalaan ng Kuwait ang nabunyag na rescue operations.
Normal na ang rescue operations ng embahada ng mga Pilipinas sa mga OFW na inaabuso ng kanilang amo sa Kuwait.
Ayon kay Chie Umandap, Chairperson ng Ako OFW, karaniwan nang nakakatanggap ng sumbong ang kanilang grupo na ibinibigay naman nila sa rescue team ng Philippine Embassy.
Gayunman, sa ngayon aniya ay hindi na makakilos at makalabas ng embahada ang mga opisyal ng Pilipinas doon.
“Criminal offense ‘yan pati yung nag-rescue kaya nga ‘yung mga opisyal na na-involved sa pag-rerescue ay nakasuhan ng kidnapping, talagang may warrant of arrest talaga sila, kasi dati kapag ire-rescue ang picture na nilalabas halimbawa may na-rescue ang ating embahada na aming ni-request, ang picture na nilalabas nila ay kapag nasa presinto sila na kasama nila ang worker” Paliwanang ni Umandap
(Ratsada Balita Interview)