Pumalo na sa halos P450 milyon ang halaga ng pinsalang idinulot ng bagyong Neneng sa sektor ng agrikultura at imprastraktura.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot sa P366 million ang kabuuang halaga ng nasira sa agrikultura kung saan, apektado ang 14,500 na magsasaka at mangingisda.
Nasa 19,000 ektarya ng lupain naman ang nasira dahil sa pagbaha kabilang na ang mga lalawigan ng Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).
Samantala, naitala naman ang P1.8 million na pinsala sa livestock, poultry at fisheries habang P81.5 million naman ang nasira sa imprastraktura kung saan, 34 pampublikong imprastraktura ang winasak ng bagyong Neneng.
Isangdaan at labing limang bahay naman ang partially damaged habang limamput isa naman ang nasira.
Sa huling datos ng NDRRMC, 50,000 pamilya o katumbas ng 175,000 na indibidwal ang apektado ng nagdaang bagyo kung saan, 163 na pamilya o katumbas ng 578 na indibidwal ang nananatili parin sa mga evacuation center.