Pumalo na sa P3.16-B ang halaga ng kabuuang pinsala sa agrikultura, matapos ang pananalasa ni Severe Tropical Storm Paeng sa bansa kamakailan.
Base sa Disaster Risk Reduction Management Operations Center data ng Department of Agriculture (DA), aabot sa 197,811 metric tons ang nawala sa agricultural production ng bansa , at nasa 84,677 hectares ang matinding napinsala sa mga area ng Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Central Mindanao, at Soccsksargen.
Halos 83,704 naman na mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan dahil sa Bagyong Paeng.
Ayon sa DA, kabilang sa mga apektadong commodities ang bigas, mais, high-value crops, fisheries, livestock, poultry, agricultural infrastructure, machinery, at mga equipment.
Samantala, sinabi ng DA na mayroon na silang inilaang pondo para sa mga ipamamahaging tulong at suporta sa mga affected farmers and fisherman kasunod ng paghagupit ni Typhoon Paeng sa bansa.