Lumampas na sa tinatayang halaga ng Department of Agriculture (DA) ang naitalang halaga ng pinsala sa pananim dulot ng tagtuyot.
Ito’y ayon kay DA Undersecretary Ariel Cayanan kung saan pumalo na sa P5.7 billion ang halaga ng mga nasirang tanim na palay at mais dahil sa nararanasang mainit na panahon.
Lubhang mataas ito sa P1.7 billion na unang pagtaya ng DA na inaasahang halaga lamang ng masasalantang pananim dahil sa panahon.
Gayunman, tiniyak naman ng opisyal na ang naturang halaga ng pinsala ay hindi naman magreresulta sa kakulangan ng suplay ng bigas at mais sa bansa.
Binigyang diin din nito na hindi pangunahing solusyon ang cloud seeding operations para masolusyonan ang epekto ng El Niño bagkus ay hinimok na lamang niya ang mga magsasaka na magtanim ng mga punlang matibay sa mainit na panahon.