Pumalo na sa mahigit pitongpung milyong piso (P70-M) ang idinulot na pinsala ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Albay.
Saklaw nito ang aabot sa halos tatlong libong (3,000) ektarya ng lupain sa mga bayan ng Sto. Domingo, Daraga, Ligao, Camalig at Polangui.
Dahil dito, apektado ang may dalawanglibo at apatnapo’t apat (2,044) na mga magsasaka dahil sa mga abong ibinubuga ng Mayon na siyang nakasisira sa kanilang mga pananim.
Samantala, aabot naman sa mahigit tatlongpo’t anim na libong (36,000) ektaryang maisan naman ang apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon, kung saan papalo sa mahigit pito’t kalahating milyong piso ang nalugi.
Habang aabot sa halos dalawangpung milyong piso (P20-M) ang napinsala sa may walongdaang (800) ektaryang taniman ng gulay at iba pang pananim sa lalawigan.
Mga bakwit sa Daraga, Albay nabahaginan ng tulong mula sa PRC
Tinatayang aabot na sa tatlongdaan at tatlongpo’t pitong (337) pamilyang nasa evacuation center sa Barangay Gabawan sa bayan ng Daraga, Albay ang nabahaginan ng tulong ng Philippine Red Cross o PRC.
Ito’y makaraang magsilikas ang mga ito bunsod ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon, humigit kumulang tatlong (3) linggo na ang nakalilipas.
Laman ng naturang ayuda ang mga tarpauline, kulambo, kumot, plastic mats, hygiene kits at jerry jars o mga baso maliban pa sa mga tulong na pagkain at damit para sa mga nagsilikas.
Kasunod nito, pinasalamatan din ng PRC ang Australian aid sa mga ipinadalang donasyon nito sa kanila para sa lahat ng mga nagsilikas sa bahagi ng Albay dulot ng pag-aalburuto ng Bulkan.