Aabot na sa halos 260 milyong piso ang halaga ng pinsalang dulot ng Bagyong Usman sa agrikultura pa lamang sa mga lalawigan ng Camarines Sur at Samar.
Ayon sa Department of Agriculture (DA) pinaka-apektado ang mga palayan kung saan nasa 700 ektarya na ang napinsala sa CamSur at Samar.
Aabot naman sa mahigit P600,000 ang halaga ng maisan ang nasira o katumbas ng 463 ektarya sa Camarines Sur at Masbate.
Samantala, tinaya ng DA sa halos 400 magsasaka ang naapektuhan ng kalamidad sa mga naturang lalawigan.
Albay at Camarines Sur, inilagay na sa state of calamity
Inilagay na sa state of calamity ang buong probinsya ng Albay at Camarines Sur dahil sa matinding epekto ng bagyong Usman.
Naipasa na ng Provincial Council ng Albay at Camarines Sur ang resolution dahil sa matinding pag baha at landslide sa maraming lugar sa naturang mga probinsya.
Ayon kay Albay Public Safety and Emergency Management Office Chief Cedric Daep, umabot na sa 15 ang nasawi habang halos 70 kabahayan naman ang nasira.
Sinabi naman ni Camarines Sur Governor Migz Villafuerte, sa huling tala ay umabot na sa 12 ang nasawi sa kanilang probinsya dahil sa bagyo.
Dahil sa naging deklarasyon, maari nang ilabas ng pamahalaang panglungsod ang kani–kanilang calamity funds para bigyang ayuda ang mga pamilyang naapektuhan at makumpuni ang ilang imprastraktura na sinira ng bagyo.