Umakyat na sa 22 bilyong piso ang kabuuang pinsalang idinulot ng bagyong Odette sa sektor ng agrikultura at imprastraktura.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 5.3 bilyong piso rito ay sa sektor ng agrikultura kung saan nasa 79,000 ektaryang sakahan ang winasak ng bagyo at halos 1.2 milyong livestock at poultry ang apektado.
Nagmula ito sa mga rehiyon ng MIMAROPA; Bicol; Central, Eastern at Western Visayas; Zamboanga Peninsula; Northern Mindanao; Davao; SOCCSKSARGEN; CARAGA at BARMM.
Samantala, aabot naman sa 16.7 bilyong piso ang pinsala sa sektor ng imprastraktura kung saan, 276 sa mga ito ang winasak ng bagyo.
Nasa 500,000 kabahayan ang napinsala dahil sa pananalasa ng bagyo kung saan, 167 dito ang hindi na mapakikinabangan. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)