Pumalo na sa P4.5 million ang halaga ng pinsalang idinulot ng pananalasa ng bagyong Karding sa sektor ng agrikultura at imprastraktura.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), P3 million ang inisyal na pinsala na iniwan ng Typhoon Karding sa imprastraktura habang P1.5 million naman sa sektor ng agrikultura.
Kabilang sa napinsala sa sektor ng imprastraktura ang mga tulay, kalsada at mga gusali na nasira dahil sa malakas na hangin at pagguho ng lupa.
Nasira din ang mga pananim ng mga magsasaka sa ilang lugar sa Luzon partikular na sa Nueva Ecija kung saan, pinaka naapektuhan ang palay, mais, at iba pang mga gulay.
Ayon sa NDRRMC, posible pang madagdagan ang halaga ng pinsala sakaling makuha na nila ang opisyal na report mula sa iba’t-ibang rehiyon na matinding hinagupit ng bagyong Karding.