Patay ang pinsan ni Abu Sayyaf leader Mundi Sawadjaan sa sumiklab na bakbakan sa pagitan ng bandidong grupo at militar sa Patikul, Sulu.
Kinilala ito bilang si Arsibar Sawadjaan na isa sa mga sub leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) at nagsilbing bomb maker ng grupo.
Ayon kay Joint Task Force Sulu spokesman Lt. Col. Ronaldo Mateo, napatay si Arsibar ng mga tropa ng 45th infantry battalion sa pinagtataguan nito sa Barangay Maligay.
Sinasabing kasama ni Arsibar ang grupo ng kanyang pinsan at ni ASG leader Radulan Sahiron na nagpapaiko-ikot sa mga bayan ng Indanan, Talipao at Patikul para mangalap ng pagkain at makapagpalakas ng puwersa. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)