Napaulat na nawawala ang pinuno ng emergency department ng Wuhan Central Hospital sa China na si Dr. Ai Fen.
Ito ay dalawang linggo matapos batikusin ni Dr. Ai Fen ang pamahalaan ng China dahil sa anito’y pagtatago ng impormasyon tungkol sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Unang napaulat ang pagkawala ni Dr. Ai Fen sa Australian TV program na 60 minutes noong Marso 29.
Ayon sa grupong Reporters Without Borders, sa interview ng People’s Daily Group Magazine, inihayag ni Dr. Ai Fen na nagresulta sa pagkaantala ng mga kinakailangang hakbang ang pag-censor ng Chinese government hinggil sa COVID-19.
Nakapagpalala rin aniya ito sa pagkalat pa ng virus sa China.
Dagdag pa ng Reporter Without Borders, ipinatanggal sa mga newsstands ang magazine na naglalaman ng panayam kay Dr. Ai Fen.
Kasunod nito, hinimok ng grupo ang Chinese government na maging transparent sa tunay na sitwasyon ni Dr. Ai Fen at kung sakaling inaresto ito ay dapat na pakawalan agad.