Inirekomenda ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban sa head ng Food and Drug Administration – Center for Drug Regulation and Research (FDA-CDRR).
Ito’y makaraang tulugan umano ni FDA-CDRR Director Jesusa Joyce Cirunay ang daan-daang Automatic Renewal o AR drug applications.
Batay sa “motu propio disposition” ng ARTA kay Ombudsman Samuel Martires, inirerekomenda nito ang paghahain ng “412 counts” ng kasong paglabag sa Section 21 (e) ng Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 laban kay Cirunay.
Ayon sa ARTA, inaabot na ng halos isang dekada sa FDA–CDRR ang mga AR drug applications dahil ilan umano sa mga ito ay naisumite sa tanggapan ni Cirunay noon pang 2014.