Binanatan ng pinuno ng Philippine Information Agency (PIA) ang brodkaster na si Erwin Tulfo sa ginawa nitong pagbanat kay Social Welfare secretary Rolando Bautista.
Una nang binatikos ni Tulfo sa kanyang programa si Bautista dahil sa kabiguan nitong pagbigyan siya sa isang interview dahil dito nagalit ang kontrobersiyal na radio-TV host.
Tinawag ni PIA director general Harold Clavite si Tulfo na superstar wannabe kumpara sa performance ni Gen. Bautista na maituturing na blazing star.
Hindi aniya tama na maliitin at hiyain sa publiko si Bautista na isang Marawi warrior, mayroong maayos na pamumuno at integridad.
Kumpara aniya ito sa tulad ni Tulfo na mapagpanggap at tinawag na poisonous media personality na ang tanging leverage lamang sa industriya ay ang apelyido nito.
Tinawag din ni Clavite na hindi magandang ideya at napakasakit kung si Tulfo ang siyang gagawing susunod na press secretary.
Una nang lumutang ang balitang papalitan ni Tulfo si Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar habang ililipat naman siya sa ibang posisyon.