Hindi nag-dalawang isip na magbigay ng tulong pinansyal ang magkaibigang Piolo Pascual at Direk Joyce Bernal para sa rehabilitasyon ng Marawi City, na napinsala dahil sa pag-atake ng teroristang Maute.
Sa Instagram account ng action star na si Robin Padilla, na nangunguna sa pagkalap ng pondo para sa rehabilitasyon sa Marawi, ibinahagi nito ang ginawang pagkawang-gawa nina Piolo at Direk Joyce.
Dito sinabi ni Robin na nagbigay ng malaking donasyon ang dalawang kasamahan sa showbiz.
Ani Robin:
Pagkatapos na pagkatapos na makapaningil ng kanilang kinita sa pagiging mga producer ay hindi naisip ng dalawang ito na mag goodtime kaagad o magpakalunod sa celebration bagkus ang ginawa nila ay hinanap ako at kagyat nagdonate ng pera para sa pagpapatayo ng bahay sa marawi. 1million piso galing kay kapanalig na Piolo Pascual @piolo_pascual at 500 libong piso galing kay kapanalig Joyce Bernal @direkbinibini.
Matatandaang sina Piolo Pascual at Direk Joyce Bernal ang producer ng hit indie film movie na ‘Kita Kita’, na pinagbidahan nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez.
Tinatayang aabot sa P320-M ang kinita ng naturang pelikula.
Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni Robin sa dalawa, lalo na sa pagpapakalat ng impormasyon kaugnay sa Tindig Marawi.
Pahayag ni Robin:
Maraming maraming salamat sa inyong dalawa dahil hindi lamang tulong pinansyal ang nais ninyong ibahagi kundi pati ang inyong personal na serbisyo para sa pagpapalaganap ng Tindig Marawi sa bawat puso ng Pilipino..mabuhay kayo aking mga kaibigan!!
Nagbigay naman noong Agosto si Robin ng P5-M donasyon para sa mga kabataang bakwit ng Marawi.