Magkakaroon ng mahigit pisong diskuwento ang mga public utility vehicles o PUVs na magpapakarga ng gasolina sa Petron, Phoenix at Shell.
Sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi, na inaantay na lamang nila na lagdaan at gawing pormal ang bagong memorandum of agreement kaugnay sa naturang plano ng oil companies.
Sa ngayon, ayon kay Cusi, sa nasabing inisyatibo muna maaaring umasa ang mga umaaray na drivers at operators na apektado ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Nauna ng sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na bukas sila sa posibilidad na itaas sa P10 ang minimum fare sa jeep mula sa kasalukuyang P8 basta hindi mako-kompromiso ang interes at panig ng mga commuter.
Excise tax
Samantala, pumalag ngayon ang ‘economic leaders’ ng bansa kaugnay sa patuloy na paninisi ng ilang grupo sa Tax Reform Law na dahilan umano ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at iba pang bilihin.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa ‘world market’ ang dahilan ng pagsirit ng presyo ng petrolyo sa bansa, at hindi ang “fuel excise tax” na nakapaloob sa Tax Reform on Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Kontra naman si Finance Secretary Carlos Dominguez sa panukalang suspensyon sa ‘excise tax’ sa langis dahil maapektuhan aniya ang suweldo ng mga pulis at sundalo, gayundin ang libreng matrikula sa kolehiyo.
Una rito , sinabi ng Malacañang na bukas silang suspendihin ang ‘excise tax’ sa produktong petrolyo bunsod ng pagtaas ng walong dolyar sa kada bariles na halaga ng krudo sa pandaigdigang merkado.
—-