Nais ni Senador Sherwin Gatchalian na lagyan ng expiration ang inaprubahang pisong provisional fare increase ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga pampasaherong jeepney.
Ito aniya ay bilang safeguard o proteksyon sa kapwa interes ng mga pampublikong drayber at mga pasahero.
Sa panukala ni Gatchalian, dapat otomatikong mag-i-expire o mawawalan ng bisa sa katapusan ng taon ang pisong dagdag sa pamasahe sa mga jeep na ipinataw ng LTFRB noong Huwebes.
Lalagyan na lamang aniya ito ng opsyon na maaaring palawigin pa ng tatlo hanggang anim na buwan sakaling manatiling mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Binigyang diin ni Gatchalian, malinaw aniya kasing mas madaling magtaas ng singil sa pamasahe kaysa magbaba.
Kasabay nito, hinimok ni Gatchalian ang Department of Finance at Department of Transportation na repasuhin ang Pantawid Pasada Program para matukoy kung sapat ba ang 5,000 pisong fuel subsidy sa mga jeepney drivers.
(Usapang Senado interview)