Pangkalahatang naging mapayapa ang pista ng Itim na Nazareno sa pagtatapos ng traslacion ng imahen sa simbahan ng Quiapo, Maynila, kahapon.
Ayon kay NCRPO Director, Chief Supt. Joel Pagdilao, bagaman may 2 nasawi, wala ng naitala pang “untoward incidents” sa gitna ng kapistahan na nagsimula noong Biyernes.
Tinatayang 1.5 milyong deboto naman ang lumahok sa mahigit 20 oras na traslacion na nagsimula ala-5:43 ng madaling araw noong Biyernes at natapos alas-2:05 ng madaling araw kahapon.
***
Ikinalungkot naman ng pamunuan ng simbahan ng Quiapo ang pagkasawi ng 2 katao sa gitna ng pista ng Itim na Nazareno sa Maynila.
Ayon kay Quiapo Rector at Parish Priest, Monsignor Hernando Coronel, nakikisimpatya at nakikiramay sila sa mga naulila nina Mauro Arabit, 58-anyos at Alex Fulyedo, 27-anyos.
Personal na magtutungo si Coronel sa burol nina Arabit at Fulyedo at magpapaabot ng financial assistance ang pamunuan ng simbahan sa mga naiwan ng dalawa.
Si Arabit na residente ng Binangonan, Rizal at tindero ng kandila ay binawian ng buhay dahil sa cardiac arrest habang nasa Evangelista Street bago pa man magsimula ang traslacion.
Nag-collapse naman si Fulyedo makaraang atakihin din sa puso at sinubukan pang i-revive subalit hindi na ito umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila.
By Drew Nacino