Naging mapayapa at maayos ang pagdaraos ng Pista ng Poong Itim na Nazareno ngayong taon.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief, Pol. Gen. Rodolfo Azurin Jr., kasabay ng ginanap na event kahapon kung saan mapapansing kaunti ang dumalo dahil suspendido pa rin ang taunang “Traslacion” dahil sa Covid-19.
Ayon kay azurin, bagaman nakapagtala sila ng ulat na ilang deboto ang nahilo, agad naman itong nabigyan ng medikal na atensyon.
Wala ring naitala ang Pambansang Pulisya na untoward incident sa Quiapo Church at Quirino Grandstand, maging sa kapistahan ng Señor Santo Niño sa Cebu at Pista ng Nazareno sa Northern Mindanao.
Sa datos ng PNP, hihigit sa 5,000 pulis ang ipinakalat ng NCRPO bilang first line of defense na kokontrol sa buhos ng tao.
Hiwalay pa dito ang 300 force multipliers na kinabibilangan ng mga tauhan ng MMDA, NDRRMC, PRC at mga Quick Response and Tactical Forces, Crowd and Traffic Control Units at Medical Team.