Labis-labis ang kasiyahan ng mga residente ng Pandacan sa Maynila ngayong ipinagdiriwang nila ang kapistahan ng kanilang patrong senyor Sto. Niño.
Ito’y makaraang ilagak na sa pansamantalang simbahan ang opisyal na imahe ng Sto. Niño matapos matupok sa nangyaring sunog sa simbahan nuong isang taon.
Ayon sa pamunuan ng Sto. Niño De Pandacan Parish, unang binihisan at binasbasan ang imahe sa Manila Cathedral kung saan inilagay din sa dibdib nito ang piraso ng daliri ng orihinal na imahe na labis na napinsala ng sunog.
Nabatid na gawa ang naturang imahe sa piraso ng kahoy mula sa kumbento ng simbahan na naisalba sa kasagsagan ng sunog bilang ala-ala ng mga taga-Pandacan sa malagim na sinapit ng kanilang simbahan.
Samantala, aabot sa 300 deboto lamang ang pinapayagang makapasok sa loob ng simbahan bilang pagtalima sa kautusan ng pamahalaan kontra COVID-19.