Binalaan ng Department of Transportation o DOTr na babawian nila ng prangkisa ang mga miyembro ng PISTON na lalahok sa kanilang panibagong ikinakasang dalawang araw na tigil – pasada sa susunod na linggo.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, inatasan na niya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) na agarang kumilos para sa kanselasyon ng lisensya at prangkisa ng jeepney drivers at operators na makikiisa sa nationwide transport strike sa Disyembre 4 at 5.
Paalala pa ni Tugade, kaakibat ng ipinagkaloob na prangkisa sa drivers ng gobyerno ay ang responsibilidad nito sa publiko na pagbibigay ng maayos na transportasyon.
Matatandaang sinuspinde ng pamahalaan ang pasok sa mga paaralan at tanggapan ng gobyerno noong nakaraang buwan dahil sa ikinasang malawakang tigil – pasada ng PISTON.