Kumasa si Pangulong Rodrigo Duterte sa banta ng grupong PISTON o Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide na hindi titigil sa pagsasagawa ng tigil pasada kontra jeepney modernization.
Sa kaniyang talumpati sa federalism summit at oath taking ng mga bagong miyembro ng PDP Laban sa Naga City, pinaulanan niya ng mura ang grupo dahil sa pinalalaki lamang ang usapin gayung malala na ang problema ng bansa sa transportasyon.
Kasunod nito, nagbigay ng ultimatum ang Pangulo sa PISTON na sumunod sa ipatutupad na modernisasyon hanggang sa Enero ng susunod na taon kung hindi ay siya mismo ang sisira sa mga lumang jeepney.
Kasabay nito, diretsahang inakusahan ng Pangulo ang PISTON na aniya’y legal front ng Partido Komunista ng Pilipinas at National Democratic Front o CPP-NDF na kumikilos na aniya para magsagawa ng rebelyon.