Ipinagmalaki ng PISTON na naparalisa nila ang transportasyon sa ilang lugar sa Metro Manila, Pampanga at Rizal.
Batay sa datos na ipinadala ng PISTON sa media, 100 porsyentong paralisado ang biyahe ng jeepney sa Makati City, biyaheng MCU-Sta. Cruz, Novaliches-Malinta, Malabon-Navotas-Monumento, Pasay-Pier at Sucat-Evacom.
Paralisado rin ng 70 hanggang 90 porsyento ang biyaheng Gasak, Navotas, Malanday-Recto, Retiro, Fairview, Dapitan-Pier, Salawag-Paliparan, Zapote-Alabang at Novaliches-Malinta.
Ayon sa PISTON, 100 porsyento ring paralisado ang mga biyahe sa mga bayan ng San Fernando, Guagua, Bacolor, Mexico, Arayat, Angeles City, Macabebe, Masantol at Minalin sa Pampanga.
Gayundin sa Tikling, Binangonan, Antipolo, Taytay, at Sta. Lucia sa Rizal.
Cebu
Wala naman umanong epekto sa mga pasahero sa lalawigan ng Cebu ang tigil pasada ngayong araw na ito ng PISTON dito.
Ito ayon kay Cebu City Transportation Operations Chief Francisco Quano ay dahil 90 porsyento ng mga pampasaherong jeep sa Cebu City ay nagpasyang mamasada pa rin.
Nakiisa sa PISTON Cebu ang mga miyembro ng kilusang magbubukid ng Pilipinas bilang suporta sa pagtutol ng grupo sa phase-out ng mga matatandang jeep.
Karamihan naman sa mga tsuper na sumali sa tigil-pasada sa lungsod ay mga rutang Bilacao, Mabolo at Englis.
—-