Iginiit ni Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators (Piston) Nationwide President Mody Floranda na naging matagumpay ang isinagawa nilang nationwide transport strike.
Ayon kay Floranda, nasa 95% ng mga ruta sa buong Metro Manila ang kanilang naparalisa.
Aniya, sinuportahan ng halos lahat ng mga drivers at operators ang kanilang isinagawang tigil pasada at maging mga UV express at ilang tricycle ang nakiisa rin.
Kasabay nito, umapela si Floranda ng pang-unawa sa mga mananakay dahil inilalaban din aniya nila ang karapatan ng publiko para sa isang mura at matiwasay na sistema ng transportasyon.
Umaasa rin si Floranda na pakikinggan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang mga apela at maibasura ang tinutulan nilang guidelines ng LTFRB at Department of Transportation para sa modernization program.
Nananatili rin aniya silang bukas na makipagdiyalogo sa LTFRB basta matitiyak na pakikinggan ng ahensiya ng kanilang mga hinaing.