Nilinaw ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) President George San Mateo na hindi transport strike ang kanilang gagawin ngayong araw ng Miyerkules, Enero 24.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni San Mateo na isang protest rally ang kanilang gagawin kung saan magmagmartsa sila mula Quezon City Circle patungo sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Bukod sa Metro Manila, isasagawa din aniya ang rally sa mga lungsod ng Baguio, Iloilo, Cebu, Cagayan de Oro at Davao City.
Kasabay nito, tinawag pa ni San Mateo na ‘praning’ ang pamahalaan, Department of Transportation (DOTr) at Inter – Agency on Traffic (I-ACT) dahil sa pagkansela ng number coding na aniya’y tiyak na magdudulot ng sobrang bigat na trapiko.
Una nang nanindigan ang LTFRB na tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang paghahanda para sa transport modernization program ng pamahalaan.
Ayon sa LTFRB, hindi sila papatinag sa PISTON at iginiit na paunang hakbang pa lamang anila ang pag-aalis sa mga kakarag karag na mga sasakyan sa lansangan.
—-