Hindi pa rin sapat ang ibinibigay na rollback sa presyo ng petrolyo ng mga malalaking kumpanya ng langis.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni George San Mateo, National President ng PISTON o Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide, bagsak na ang presyo ng langis sa Pandaigdigang Pamilihan subalit mataas pa rin sa Pilipinas.
Ayon kay San Mateo, mayroong overpricing dahil dapat naglalaro na sa P18.00 hanggang P20.00 ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Aniya, dapat na ring kumilos ang gobyerno laban sa panggugulang ng mga oil player upang lumitaw sa merkado ang tunay na presyo ng langis.
“Yung presyo ng diesel ngayon sa merkado, naglalaro sa 26-27 na dapat sa tingin namin ay between 18-20 lang, ang laki ng ibinababa sa world market.” Ani San Mateo.
Payag naman ang PISTON na ibaba pa ng P0.50 ang singil sa pasahe sa harap ng sunod-sunod na rollback sa presyo ng diesel.
Gayunman, ayon kay San Mateo, gagawin nila ito kapag umabot na sa P21 hanggang P22 ang presyo ng diesel mula sa kasalukuyang P26 to P27 pesos.
Rollback ipinatupad
Muling nagpatupad ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis.
Pumalo sa P0.90 kada litro ang tapyas-presyo sa diesel ng Pilipinas Shell, Seaoil, PTT Philippines at Phoenix Petroleum Philippines.
Nasa P0.40 naman ang rollback sa kada litro ng gasolina habang P0.70 sa kada litro ng kerosene.
Kasabay nito, P1 kada litro ang bawas-presyo ng Eastern Petroleum sa diesel habang P0.50 sa kada litro ng gasolina.
Epektibo ang price adjustment sa pagitan ng alas-12:01 ng madaling araw at alas-6:00 ng umaga ngayong araw ng Martes.
Ang rollback ay sinasabing bunsod ng patuloy na pagbaba ng presyo ng petrolyo sa Pandaigdigang Merkado.
By Jelbert Perdez | Len Aguirre | Ratsada Balita