Isasauli ng Philippine International Trading Corporation o PITC sa national treasury ang nasa dalawang bilyong pisong pondo nito.
Ito ang tiniyak ni PITC Acting President at Chief Executive Officer Christabelle Ebriega kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng PITC para sa susunod na taon, tiniyak ni Ebriega na may ibabalik sila sa national treasury na P1.965 bilyon na hindi nagamit na pondo na inilipat sa iba’t ibang ahensya ng PITC.
Magugunitang isiniwalat ni Drilon ang malaking halaga ng public funds na naka-prenda sa PITC simula pa noong 2010.
Dahil sa pasabog ng Senador ay nakapagsauli na ang PITC sa national treasury ng nasa P10.2 bilyon na nagamit ng gobyerno sa COVID-19 pandemic response.— sa panulat ni Drew Nacino mula sa ulat mula kay Cely Ortega-Bueno