Inireklamo sa tanggapan ng Ombudsman ang pangulo at chief executive officer ng Philippine International Trade Corporation (PITC) na si Dave Almarinez.
Ito’y may kaugnayan sa mahigit P1-bilyong halaga ng mga kagamitang binili ng Philippine National Police (PNP) noong 2016 na hindi pa rin naide-deliver hanggang ngayon.
Ayon kay DWIZ Guest Karambolista Atty. Larry Gadon na siyang naghain ng reklamo, ilan sa mga isinampa niyang asunto laban kay Almarinez ay malversation of public funds, illegal use of public funds, ilegal na pagpasok sa transaksyon at paglabag sa anti-graft and corrupt practices act.
Kasunod nito, hiniling ni Gadon sa tanod-bayan na busisiin din ang ulat ng Commission on Audit (COA) kung saan ay nabatid na 23% o katumbas ng 311-milyon lamang ang kanilang naideliver sa PNP.
Batay sa COA report, inirerekumenda nito sa PNP na igiit sa PITC na siyang state trading arm ng Department of Trade and Industry na ibigay na sa PNP ang mga kinakailangan nitong kagamitan o di kaya’y ibalik sa national treasury ang nasabing halaga.