Patay ang pitong pasahero ng isang UH-1H helicopter matapos na bumagsak o mag-crash sa barangay Bulonay, Bukidnon.
Ayon sa Philippine Air Force, maghahatid lamang sana ng suplay para sa 8th infantry battalion ng Philippine Army ang military chopper nang bigla itong bumagsak.
Agad namang nagtungo sa crash site ang 8th IB upang magsagawa ng search and retrieval operation.
Sinabi ni 4th Infantry Division Spokesperson Major Rodulfo Cordero Jr., “engine trouble” ang dahilan ng nangyaring pagbagsak ng chopper.
Dagdag ni Cordero, sinubukan ng apat na aircrew ng UH-1H helicopter na magcrash-land ngunit nabigo umano ang mga ito.
Kapwa binawian ng buhay sa insidente ang apat na crew at tatlong pasahero na kinabibilangan ng isang sundalo at dalawang cafgu.
Tiniyak naman sa publiko ng Phil. Air Force na sumasailalim sa masusing pag-iinspeksyon ang lahat ng kanilang air asset bago at matapos itong gamitin sa flight mission.
Nagpaabot naman ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya ang buong hanay ng hukbong panghimpapawid ng Pilipinas at sinigurong maipagkakaloob sa kanila ang kinakailangang assistance at pinansyal na tulong ng pamahalaan.