Mariing itinanggi ng mga kamag-anak ng pitong nasawing hinihinalang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Midsayap North Cotabato na rebelde ang mga ito.
Ayon kay Manto Sema, lolo ni Angelo Bangon, isa sa pitong sinasabing miyembro ng BIFF, 13 gulang lamang ang kanyang apo at hindi rin ni-recruit para maging rebelde.
Aniya, nasa katubigang bahagi ng barangay Tumbra ang kanyang apo kasama ang mga kaibigang menor de edad din para mangisda nang mangyari ang engkwentro sa militar.
Samantala, kinontra ito ni Western Mindanao Command (WesMinCom) Spokesperson Major Arvin John Encinas at sinabing mga child warriors ng BIFF ang mga nasawi sa engkwentro.
Batay sa ulat, magsisilbi sana ng search warrant ang pulisya at militar laban kay Mama Macalimbol na iniuugnay naman sa pambobomba sa Sto. Niño church sa Midsayap.
Gayunman bila na lamang umano pinaputukan ng mga armadong kalalakihan ang tropa ng pamahalaan dahilan kaya nauwi ang insidente sa 40 minutong palitan ng putok kung saan pitong sinasabing rebelde ang nasawi.