Sinibak na sa serbisyo ang pitong (7) tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos mapatunayang nangikil at taniman ng ebidensya ang isang lalaki noong nakaraang taon.
Magugunitang noong Nobyembre 4 ng nakaraang taon, nakuhanan sa CCTV ang pagpasok ng dalawang lalaki sa bahay ng isang nagngangalang Kent Dadula sa General Mariano Alvarez, Cavite.
Ayon kay Dadula, nagpakilalang mga tauhan ng PDEA ang naturang mga lalaki ngunit hindi ito mga naka-uniporme.
Sa panig naman ng mga nagpakilalang PDEA agent, nagsagawa sila ng buy bust operation kung saan nakuha nila umano kay Dadula ang sampung sachet ng marijuana, at ang P1,000 marked money na kanilang ginamit sa transaksyon.
Ngunit batay sa CCTV noong Nobyembre 5, makikitang bumalik ang PDEA agent sa bahay ni Dadula at pinasok ng isang lalaki ang isang bag sa sasakyan ni Dadula.
Dahil sa mga nakuhanang tagpo sa CCTV, nabasura ang kasong pagbebenta umano ng iligal na droga ni Dadula at napalaya ito matapos ang mahigit limang buwang pagkakabilanggo.
Kabilang ang naturang pitong PDEA agent sa mahigit 60 tauhan ng PDEA Region 4-A na ni-relieve noong Marso matapos masangkot sa mga iregularidad at mga hindi lehitimong operasyon.
—-