Negatibo sa H5N6 virus ang pitong nagkatay ng manok sa bayan ng San Luis, Pampanga na nakitaan ng ilang sintomas ng bird flu o avian influenza.
Batay sa pagsusuri, negatibo ang pito sa virus makaraang i-isolate ng dalawang araw sa Jose Lingad Memorial Regional Hospital.
Ayon sa Department of Health, na-discharge na kahapon ang mga pitong pasyente na nauna nang kinuhanan ng swab samples at ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Sa ngayon ay wala pang bagong kasong tinututukan ang DOH na tila may sintomas ng bird flu at wala pang kumpirmadong kaso ng naturang sakit sa tao sa Pilipinas.
Inilagay naman sa “heightened status” ang mga ospital ng kagawaran gaya ng San Lazaro, Manila Lung Center maging ang RITM na handa ring tumanggap ng “samples” upang masuri sa mga posibleng kaso ng sakit.