Mananatiling operational ang North Luzon Express Terminal sa Bocaue, Bulacan at Parañaque Integrated Terminal Exchange kahit nasa Alert Level 3 na ang NCR at ilang bahagi ng Central at Southern Luzon dahil sa panibagong COVID-19 surge.
Ito ang tugon ng Department of Transportation (DoTr) sa hirit ng grupong Pilipino Society And Development Advocates-Commuter Consumer o PASADA na suspindehin ang paggamit sa NLET dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases.
Ayon sa DoTr, hangga’t wala namang kautusan ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ay tuloy ang operasyon ng dalawang Integrated Terminals.
Pinag-aralan na ng small technical working group ang hirit ng PASADA sa pamamagitan ng serye ng mga pulong noong December 2 hanggang 14.
Ipinunto ng kagawaran na kung sususpendihin ang operasyon ng PITX at NLET at posibleng buksan ang 85 in-city bus terminals sa Metro Manila ay kapwa ito makasasamá sa daloy ng trapiko at public health.
Na-obserbahan din ng mga researcher na mas magiging lantad sa hawaan ng mga sakit ang mga mananakay kung bubuksan muli ang mga private terminals sa EDSA.