Tinawag ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano na “for show” o pakitang tao lamang ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtutungo ito sa Benham o Philippine Rise.
Ayon kay Alejano, isang pagkukunwari lamang ng Pangulo na ikinababahala nito ang sitwasyon sa Benham Rise pero ang katotohanan aniya ay nais lamang nitong pagtakpan ang ginagawang pagpapasakop sa China at pagtataksil sa mga Filipino.
Paggigiit pa ni Alejano, dapat tuloy-tuloy ang matibay na paninindigan ng pamahalaan sa karapatan at pagbibigay proteksyon sa mga teritoryo ng bansa maging ito man ay sa West Philippine Sea o Benham Rise.
Hindi rin aniya sapat ang paglalayag lamang sa Benham Rise bilang paggigiit ng karapatan ng bansa sa mga teritoryo nito gayung wala naman aniyang kinahaharap na usapin doon ngayon.
Samantala, muli namang inihayag ni Pangulong Duterte ang plano niyang pagpunta sa Benham Rise sa kanyang press briefing matapos makabalik mula Singapore.
—-