Dapat pag-isipan munang mabuti ng Commission on Elections o COMELEC ang planong gawin sa ilang malls ang botohan sa 2016 Presidential elections.
Reaksyon ito ni dating COMELEC Commissioner Gregorio Larazabal sa pahayag ni COMELEC Chairman Andy Bautista na isa ang Robinsons Mall sa mga gagamitin nilang presinto sa 2016 elections.
Ayon kay Larazabal, malinaw sa batas na dapat ay pag-aari ng pamahalaan o mga public schools ang gagamiting presinto sa eleksyon.
Kung sakaling gawin aniya ito sa isang pribadong gusali, kailangang i-turn over ng may-ari ang gusali sa COMELEC sa buong panahong isinasagawa ang paghahanda at pagsasagawa ng eleksyon.
“Ito kasi sa automated election the process starts one week before, sa batas kasi yung mga makina ilalagay na sa voting center, so one week before nandun na ang mga makina sa mall, so naka-tengga na yan diyan, sinong may kontrol niyan? A lot of cases the law also states that bawal gagamitin yung polling center na privately owned, if the owner is related within 4th degree of consanguinity or affinity to any candidate, now hindi mo pa alam, kasi baka may stall owner doon sa mall na kapatid niya tatakbong Vice Mayor, eh hindi puwede yun.” Ani Larrazabal.
Binigyang diin ni Larazabal na maganda ang ideya subalit lumalabag naman ito sa batas.
Maliban sa labag sa batas, marami pa aniyang problema na dapat ayusin ang COMELEC kapag ginawang presinto sa eleksyon ang malls.
“Dapat i-match ang convenience to the law, the law kasi states that voting center has to be a public school as used as premises, kung walang public school dapat private school in the vicinity, ito pa isa, for example there are 4 voting centers surrounding a mall, anong mga presinto ang ilalagay mo sa mall? Hindi naman puwedeng kalahati ng isang voting center, dapat lahat yun ay nandun sa mall.” Pahayag ni Larrazabal.
Gastos para sa mga kandidato
Panahon na para i-ayon sa reyalidad ang batas na nagtatakda ng gastos para sa mga kandidato sa eleksyon.
Reaksyon ito ni dating COMELEC Commissioner Gregorio Larazabal sa House Bill No. 5928 ni Capiz Congressman Fredenil Castro na naglalayong itaas sa P50 ang gastos ng isang Presidential candidate mula sa kasalukuyang P10 kada botante.
Ayon kay Larazabal, kung tutuusin kulang pa ang panukala ni Castro upang maging kapani-paniwala ang ginagastos ng mga kandidato sa eleksyon mula sa bayad ng mga volunteers, transportasyon, campaign posters at lalong-lalo na sa campaign ads sa radyo at telebisyon.
“Kung tataasan mo yung air time, dapat taasan mo yung ang limit kasi kung tataasan mo yung air time but may campaign limit expense, wala ding silbi kasi maski gusto mong mag-add hindi na kaya kasi sagad ka na sa expense limit eh, P50 mababa yan eh, dapat mas mataas pa yan, siguro P100 for President or P75 for Vice President.” Dagdag ni Larazabal.
By Len Aguirre | Ratsada Balita