Inalmahan ng minorya ng konseho ng Maynila ang planong 360 Milyong Pisong tapyas sa 2017 budget ng 6 na pampublikong ospital sa lunsod.
Sinabi ni Manila Councillor Ray Fugoso, babawasan ng majority councillors ng 60 Million Pesos ang budget ng bawat ospital para ilipat sa pondo ng Manila Traffic and parking Bureau at ng Traffic Regulatory Office.
Layon aniyang mapaganda ang mga serbisyo ng naturang mga ahensya at makakuha ng mas maraming tauhan.
Dagdag pa ng konsehal, kapag nakalusot ang budget sa ikatlong pagbasa, posibleng mga mahihirap na pasyente na ang gagastos para sa kanilang mga gamot, dextrose, at iba pang pangangailangang medikal.
Samantala, nanindigan ang minorya ng konseho ng Maynila na haharangin nito ang nagbabadyang budget cut sa mga ospital.
By: Avee Devierte